Panahon ng taglagas . . . ikatlong taon ng paghahari ni Emperador Shōmu. Ang hamog ng isang gabing malamig ay pinunit ng pagtapak ng mga bakyang kahoy ni Yoshitake-san sa mga batong nakabaon sa patyo ni Panginoon Shimizu. Humangos siya sa kanyang panginoon upang iulat ang kakaibang pagkaing dinala ng mga Budistang monghe mula sa Gitnang Kaharian sa kabilang dagat.
Ayon sa kanila, ang mala-esponghang sustansiya’y nagawa nila mula sa puting likido na galing sa paggiling ng balatong. Ang mga monghe ay may balingkinitan at matitipunong pangangatawan. Iginiit nilang ang sustansiyang ito ay nagbigay ng kalusugan sa kanila at hindi sila nangailangan ng karne sa kanilang paglalakbay.
Itinago ni Yoshitake-san ang kulay-gatas na masa sa ilalim ng kanyang kimono. Ito’y mahigpit na nakabalot sa magaspang na hinabing tela at pinangalagaan ng banig na gawa sa kawayan; ayaw niyang ibahagi ang kanyang narinig at nakita kahit kanino maliban sa kanyang panginoon. Kung totoo ang sinabi ng mga bisitang Budista, itong simpleng pagkain ng mga monghe ay maaaring magtaguyod sa pangangailangan sa pagkain ng mga samuray ni Panginoon Shimizu.